MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Pangulong Aquino na binubuo na ang koalisyon sa pagitan ng Liberal Party (LP), Nationalist People’s Coalition (NPC) ni Danding Cojuangco at Nacionalista Party (NP) ni Sen. Manuel Villar Jr.
Sinabi ng Pangulo na wala siyang pagtutol sa magiging koalisyon ng LP sa ibang partido kaugnay sa nalalapit na 2013 midterm elections.
Aniya, naging matagumpay ang pakikipag-usap ng LP para sa koalisyon nito sa NPC at NP.
Si LP president DOTC Sec. Mar Roxas ang mag-aanunsiyo ng magiging resulta ng usapan kaugnay sa pagsasanib ng tatlong partido.
Kabilang sa mga posibleng kandidato ng administrasyon para sa senatorial race sina TESDA director-general Joel Villanueva ng CIBAC, Customs Commissioner Ruffy Biazon ng LP, dating Akbayan Partylist Rep. Rissa Hontiveros, Aurora Rep. Sonny Angara ng LDP, dating Las Piñas Rep. Cynthia Villar ng NP, Sen. Loren Legarda ng NPC, Sen. Koko Pimentel ng PDP-Laban at Sen. Chiz Escudero.