P1B license deal ng PNP iimbestigahan ng Kamara

MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ng Kamara ang umano’y P1 bilyong maanomalyang license deal na pinasok ng Philippine National Police (PNP) sa isang pribadong korporasyon na hindi dumaan sa public bidding.

Sa House resolution no. 2459 nina Reps. Rufus Rodriguez (2nd district, Cagayan de Oro City) at Maximo Rodriguez (Abante Mindanao), pinaiimbestigahan ng mga ito ang transaksyon ng PNP at Nanjing Industrial Tools and Equipment Co. dahil sa hindi umano dumaan sa tamang proseso ng bidding.

Ayon sa mga mam­babatas, lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Marso 2010 ang PNP sa Nanjing para sa pag-imprenta ng license cards para sa service firearms ng mga police officers at security guards sa loob ng 15 taon.

Kabilang umano sa pumirma sina dating PNP Chief Jesus Versoza, PNP Director for Logistics Luizo Ticman at si Romeo Macapinlac, pangulo ng Nanjing.

Sa ilalim ng kasunduan, gagawa ng license cards ang Nanjing para sa PNP ng P150 bawat isa na umaabot sa P1.135 bilyon.

Dahil dito kayat hinikayat ng mga mambabatas ang House Committee on Public Order and Safety na ipatawag ang mga opisyal ng PNP, mga kinatawan ng Nanjing at iba pang ahensya ng gobyerno para pagpaliwanagin kaugnay sa nasabing transaksyon.

Show comments