MANILA, Philippines - Hindi na dapat italaga ni Pangulong Noynoy Aquino bilang susunod na Chief Justice ng Korte Suprema ang mga nominado na nagkaroon ng partisipasyon sa impeachment trial ng dating punong mahistrado na si Renato Corona.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang mga nominado para sa pagiging Punong Mahistrado ay mayroong karapatan na tumanggi o tanggapin ang nominasyon subalit nasa Judicial ang Bar Council (JBC) ang rekomendasyon para sa presidential appointment at tatlo sa pinaka kwalipikado ang independent-minded nominees ang mapapagpilian ng Pangulo.
Subalit ang Pangulo umano ang siyang mayroong appointing authority kaya’t hindi dapat nito piliin ang mga personalidad na naging bahagi ng impeachment trial ni Corona.
Kabilang na dito ang mga nagsilbing prosecutors, judge o testigo o ang mga inaakalang nagsabwatan upang mapatalsik sa pwesto si Corona.
Sinabi nito na dapat gamiting basehan ng Pangulo sa kanyang pagpili ng susunod na CJ ang isang tao na may kredibilidad at independence.
Paliwanag pa ng mambabatas, dapat na magkaroon ng kamalayan ang Pangulo sa negatibong dahilan kung bakit naalis sa puwesto si Corona kayat dapat ito ang maging halimbawa upang alisin ang mga naliligaw na nominado sa pagka punong mahistrado.