MANILA, Philippines - Hinikayat ng isang mambabatas ang mga senador na ikunsidera ang kapakanan ng mga magsasaka bago ipasa ang panukalang magtataas sa buwis na ipapataw sa mga produktong tabako.
Nangangamba si Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay na magdudulot ng malaking dagok at pagkaparalisa sa industriya ng tabako ang 708 porsiyentong pagtaas sa excise tax.
Sang-ayon ang kongresista na maaaring mauwi sa pagbagsak ng may 50 porsiyento sa industriya ng tabako kung maipapasa ang bersyon ng Kamara sa pagdaragdag ng buwis sa produktong sigarilyo at alak.
Bukod dito posibleng mamayagpag din umano ang smuggling ng mga imported na sigarilyo at alak dahil sa pagtaas ng presyo ng lokal na sigarilyo.
Una ng nagpahayag ng pagtutol dito sa pagdinig ng Kamara si Blake Dy, vice president ng Associated Anglo American Tobacco Corporation (AAATC) sa pagsasabing malaki ang posibilidad na mas tangkilin ng mga naninigarilyo ang mga murang produkto kahit ito ay puslit.
Idinagdag pa nito na seryoso ang kakaharaping suliranin ng pamahalaan tungkol dito dahil pipilayin nito ang lehitimong merkado sa sigarilyo at ang pinakamalala umanong maaaring mangyari ay magsara ang maraming pagawaan ng sigarilyo sa bansa na nangangahulugang marami ang mawawalan ng trabaho.