Lindol madali ng matutukoy
MANILA, Philippines - Madali ng matutukoy ang mga nagaganap na paglindol o pagyanig ng lupa dahil sa ikakalat na 100 earthquake intensity meter ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, malaki ang maitutulong ng earthquake intensity meter upang mabilis na makalap ang detalye sa lakas ng pag-uga ng kalupaan na apektado ng isang lindol.
Ayon kay Director Solidum, uunahin lagyan ng 40 intensity meter ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan na makatutulong sa agarang pagtukoy sa mga lugar na maaaring magkaroon ng mga pinsala kapag may malakas na lindol.
Dalawa pang unmanned seismic monitoring center ang itatayo naman sa Davao del Sur at Pangasinan para sa target na 69 ngayong taon. Sa 2016 ay asahan ng makukumpleto ang 85 seismic monitoring center sa bansa.
Sinimulan na rin aniya ang paglalagay ng mga ultrasonic tide gauge sa Lingayen Gulf na magagamit sa monitoring ng tsunami at storm surge.
Bukod sa Lingayen, lalagyan din ng mga tide gauge ang Manila Bay, Subic Bay, Batangas Bay at Albay Gulf, bilang bahagi ng pagpapalakas ng disaster preparedness ng pamahalaan.
- Latest
- Trending