MANILA, Philippines - Bilyon-bilyong piso ang matitipid sa produksyon ng bigas kapag puspusang isasakatuparan ang organic farming sa 4.46 milyon hektarya ng taniman ng palay sa bansa.
Ito ang pananaw ng Yes Pinoy Foundation (YPF), Linksapinoy (links) at Sangguniang Kabataan (SK) mula sa kanilang tambalan sa pagpapasikad ng 5K Campaign o tinaguriang Kalayaan ng Kabataan mula sa Kagutuman, tungo sa Kasaganahan.
Nangako naman ang SK Central Luzon na bibitbitin ang 5K campaign sa naturang rehiyon sa paraan ng pagpopondo sa bawat ektaryang sakahan sa kada barangay para sa kapakinabangan ng mga magsasaka.
Bilang kapalit na suporta, ang mga mabibiyayaang magsasaka ay magkakaloob ng kanilang ani sa SK, na ilalaan naman ng mga kabataan sa malawakang feeding program para sa mga batang nagugutom.
Nangako naman ang YPF, bilang co-beneficiary ng 5K Campaign, sa pangunguna ni Jose Sixto “Dingdong” Dantes III, tagapangulo ng YPF at TV personality, na isasama sa kanilang programa ang pagkakaloob ng scholarships sa mga natatanging estudyante na may hangarin na mag-aral sa kursong nakabatay sa pag-agrikultura.
Lumalabas sa pag-aaral na patuloy na bumababa kada taon ang bilang ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong agrikultura na 3.2 % lamang sa kabuuang 1.4 milyong enrollees habang umuunti din ang bilang ng magsasaka sa bansa.