Magarbong b-day ni Dolphy pinaghahandaan
MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagbuti ng kalagayan ni Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon, magkakaroon na ng rason ang pamilya Quizon sa pagsasagawa ng magarbong selebrasyon ng kaarawan nito sa darating na Hulyo 25.
“If he goes back home, magkakaroon na kami ng rason to celebrate. Nasa 26 days na lang magbi-birthday na siya, I think we will do something for his birthday,” ani Eric Quizon, tagapagsalita ng kanilang pamilya.
Ngunit sinabi ni Eric na kung mangyayari man ito, magiging sobrang ingat nila sa kanilang ama lalo na sa paglapit ng mga bisita dahil sa karaniwan na kapag nagkakaroon sila ng malaking selebrasyon saka ito nagkakasakit dahil sa sari-saring “virus”.
Ibinalita rin ni Eric na magiging permanente na ang paghinga ng ama sa pamamagitan ng leeg dahil sa kanyang “tracheostomy” dahil sa hindi na talaga kaya ng kanyang baga dulot ng sakit na COPD (chronic obstructive pulmonary disease).
Maaari naman umanong kabitan ito ng isang uri ng gadget upang maintindihan nila ng bahagya ang mga sinasabi ng ama dahil halos puro hangin ang nasasambit nito.
Sa kasalukuyan, maluwag na umano ang pakiramdam ngayon ng buong pamilya Quizon dahil sa patuloy na paggaling ng ama. Nagagawa na rin umano ni Dolphy ngayon na makipagbiruan sa mga kapamilya at maging sa mga nurse kung saan dumila pa ito o nag-“belat” na paborito nitong ekspresyon.
- Latest
- Trending