Paggaling ni Dolphy nagpapatuloy

MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy na ang pagbuti ng kalagayan ni Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon makaraang sumailalim sa ikatlong dialysis at butasan na ang leeg nito para sa mas maayos na paghinga.

Sinabi ni Eric Quizon, lalong bumuti ang “vital signs” ng kanyang ama at nag-normal na ang presyon ng dugo nito at tibok ng puso.

Aniya, sumailalim sa tracheostomy procedure si Dolphy noong Sabado ng gabi para tulungan itong makahinga at mas maging madali para sa mga organ nito na mag-function ng tama.

Ang tracheostomy ay paglalagay ng maliit na butas sa leeg patungo sa trachea para sa mas ligtas na pagde-deliver ng oxygen sa baga. Tinanggal na umano ang respirator sa bibig ng aktor at inilipat sa kanyang leeg para sa mas maayos na paghinga.

Ibinalita rin ni Eric na mas madalas na gising ngayon ang ama at mas nakakatugon na sa kanila bagama’t nananatiling nasa kritikal ang kundisyon nito at anumang sandali ay maaaring magkaroon ng pagbabago.  

Show comments