MANILA, Philippines - Dinagsa pa rin ng naghahanap ng trabaho ang job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) bagama’t bumuhos ang ulan na ginanap sa Lagoon Area, Rizal Park sa lungsod ng Maynila.
Mistulang box office hit na pelikula ang kanilang pinipilahan sa iba’t ibang tent dito sa lagoon area ng Rizal Park na kinabibilangan ng mga bagong graduate at naghahanap ng trabaho.
Ayon kay DOLE-NCR Regional Director Alan Macaraya, lumahok sa jobs fair ang 109 local employers at 30 licensed recruitment agencies para sa 48,516 vacancies.
Para sa local job vacancies ang kalimitang kailangan ay magtatrabaho sa BPO & Call Center, Manufacturing and Marketing, Food Service, Retail & Trade, Health & Wellness, Real Estate, Information Technology, Insurance, Automotive and Services.
Para naman sa overseas employment, nag-imbita ang POEA ng 30 licensed recruitment agencies na nag-aalok ng 25,000 trabaho mula sa mga top destinations katulad ng Australia, Singapore, Japan, Taiwan, Malaysia, Qatar, Oman, Saudi Arabia at Brunei.
Ang Philippine National Police naman ay naghahanap ng 3,000 bagong police personnel.