MALOLOS, Bulacan, Philippines - Lalo umanong nagpatingkad sa diwa ng demokrasya ang nangyaring pagsibak kay dating Chief Justice Renato Corona matapos ang halos 5 buwan na paglilitis ng impeachment court.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe para sa ika-114 taong anibersaryo ng kalayaan na ang pagpapatalsik kay Corona ay paalala sa mga lingkod bayan na ipinahiram lamang sa kanila ang kapangyarihan mula sa taongbayan na may kaakibat na responsibilidad at pananagutan.
Ipinagmalaki pa ni Aquino na nakabuwelo na ang bansa dahil sa “tuwid na landas” mula sa pagiging talamak na korapsyon, maraming naging sakim sa kapangyarihan hanggang sa dumami umano ang naging manhid na nagsawalang kibo na lamang.
Naungkat ang isyu kay Corona makaraang talakayin ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya sa ilan na ginamit ang Saligang Batas na maghanap ng butas para sa kanilang kapakanan lamang at takbuhan ang pananagutan.
Hindi naman pinangalanan ng Presidente kung sino ang mga personalidad na kanyang tinutukoy na harap-harapang lumabag sa batas at umaastang parang walang piring ang katarungan at binabaligtad pa ang Konstitusyon.
Samantala, nagbalik tanaw naman ang Presidente sa kahalagahan ng Barasoain Church kung saan sa lugar binuo ang 1935 Constitution. Dito rin ipinanganak ang unang republika ng Pilipinas.
Ngayon pa lamang inanunsyo na rin ng Pangulong Aquino na sa susunod na taon sa bahagi naman ng Pinaglabanan Shrine sa San Juan City pangungunahan niya ang ika-115 taong anibersaryo ng Independence Day. Noong nakaraang taon ay nasa Kawit, Cavite siya.