Sindikatong pinatatakbo ng brokers, pinabuwag ni Biazon
MANILA, Philippines - Hindi umubra kay Custom Commissioner Ruffy Biazon ang umano’y pagpapatakbo ng mga nabukong brokers ng sindikato sa loob ng Bureau of Customs (BOC) matapos na ipasalakay sa Customs operatives ang aktibidades ng mga ito matapos na makarating ang mga ilegal na kargamento sa loob ng Aduana.
Pinaniniwalaan naman ni Biazon na may ilang tiwali sa ahensya na kasabwat ng sindikato dahil hindi makakikilos ang mga ito kung wala itong protektor mula sa loob. Kung dati’y mga pulis at ilang tiwaling kawani ang sumasabit sa pamemera at pangongotong, ngayo’y may mga broker nang pinasok na rin ang extortion activities sa Aduana.
Matatandaang dalawang broker ng Jade Brothers Brokerage ang kasama sa pitong “hao shiao” na empleyado ng BOC na ipinaaresto ni Biazon dahil nga sa ginagawang kuwestiyunableng transaksyon sa mga lehitimong importers/brokers.
Napag-alaman na ito na ang ginagawa ng ilang broker dahil sa wala na talaga silang kikitain sa ginagawa nilang iligal na pagpaparating ng kargamento. Nang maaresto ang mga pekeng kawani ng BOC, nakumpiskahan ang mga ito ng pekeng BOC - Commissioners Office ID at mga kagamitan sa peke nilang opisina sa loob mismo ng bureau at ID ng Jade Brothers Brokerage.
Kinilala ang mga nadakip na sina John Christian Sabiduria, Keneth Neric Luisito Durante, Jessica Mendoza, Brahian Ngojo, Rafael Felipe at ang mga broker ng Jade Brothers Brokerage na sina Wilfredo Sagaral at Roberto Sagaral.
Dinakip ang mga ito sa isang kwarto kung saan nasamsam din ang nagkalat na mga dokumento tulad ng load port survey, entries at listahan ng consignee at brokers.
- Latest
- Trending