Pacquiao pa rin ang kampeon!

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagka­talo ni Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao na depensahan ang WBO Welterweight title laban kay Timothy Bradley, hindi pa rin natitinag ang suporta ng sambayanang Pilipino at si Manny pa rin ang nag-iisa at ipinagmamalaking Pambansang Kamao ng Pilipinas.

Batay sa scorecards, dalawang hurado ang nagbigay ng 115-113 na iskor kay Bradley para ma­kuha nito ang korona via split decision sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas. Ito ang kauna-unahang pagkatalo ni Pacman matapos ang anim na taong paghahari sa ring.

Maalala na bago ang simula ng laban, ipinagmayabang na ni Bradley na kaniyang gugulatin ang mundo at isa umanong “upset of the decade” ang makikita ng lahat.

Nagyabang din si Bradley na sa Nobyembre ay tiyak magkakaroon sila ng rematch ni Pacquiao.

“I just wait Manny to make mistakes then I gave him my best shots,” sabi ni Bradley sa isang pahayag pagkatapos ng laban.

Welcome naman umano para sa boksi­ngero na bigyan ng rematch si Pacquiao.

Sa panig ni Manny, kaagad naman nitong binati ang bagong kampeon.

“The fight is good. He (Bradley) is a good opponent. He is strong,” wika niya.

Wala din umanong problema sa Pinoy boxer para sa ikalawang pagharap nila ni Bradley. 

Samantala, suportado pa rin ng buong hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang comrade na si pound-for-pound king Manny Pacquiao sa kabila ng kontrobersyal na pagkatalo kay Bradley.

Ayon sa AFP, ginawa ni Manny ang kanyang makakaya sa nasabing laban, bagama’t hindi sapat ay ipinakita pa rin anya nito ang tapang at pagpupunyagi para lamang manalo.

“Pacquiao continues to exemplify high level of discipline and strength in character in all his match which our soldiers continue to draw inspiration,” sabi ng AFP.

Si Pacquiao ay kinomisyon bilang Lieutenant Colonel sa Army reserve force noong September 2011. Siya ay deputy commander ng 1st Sarangani Ready Reserve Battalion.

Show comments