'Solo parent' may discount sa gamot, pagkain ng anak
MANILA, Philippines – Aprubado na Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbibigay ng dagdag benepisyo sa mga solo parent.
Sinabi ni Yacap Rep. Carol Jane Lopez na kailangang tulungan ang mga single parent upang mabigyan nila ng magandang kinabukasan ang kanilang anak.
Sa panukalang amyenda sa Solo Parent’s Welfare Act (House bill 6184), bibigyan ng 15 porsyentong discount ang mga solo parent sa kanilang pagbili ng gatas, pagkain at food supplements hanggang dalawang taon mula ng ipanganak ang kanyang anak.
Bibigyan din ng 10 porsyento ang solo parents na bibili ng damit hanggang sa magdalawang taon ang kanyang anak.
Hanggang limang taon naman makakukuha ng 15 porsyentong discount ang isang solo parent sa pagbili nito ng gamot.
Magmumulta naman ng P10,000 hanggang P50,000 at kulong na hindi bababa sa anim na buwan ang mapapatunayan na nanloko para makakuha ng discount. (Butch Quejada/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending


















