Phl envoy sa Syria nakuwestiyon sa SALN

MANILA, Philippines - Nakuwestiyon kahapon ng ilang senador na mi­yembro ng Commission on Appointments (CA)  foreign affairs committee si Philippine ambassador to Syria Nestor Padalhin dahil sa hindi kumpletong detalye sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Nagdesisyon ang ko­mite na ipinagpaliban ang pagbibigay ng rekomendasyon kay Padalhin para makumpirma ng CA hangga’t hindi niya ina­ayos ang detalye sa kaniyang SALN.

Kinuwestiyon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero si Padalhin kung siya ang may-ari ng isang 3-bedroom residential building sa Seattle, Washington na inamin naman ng ambassador.

Ayon kay Padalhin, siya ang nagbabayad sa nasabing property simula pa noong 1992 pero hindi pa ito tapos bayaran kaya hindi niya isinama sa kaniyang assets.

Matatandaan na na­hatulan ng ‘guilty’ si convicted Chief Justice Renato Corona dahil sa hindi niya pagsasama ng lahat ng kaniyang assets sa kaniyang SALN.

Sinabi ni Padalhin na 10 taon pa niyang babayaran ang property na inakala umano niyang hindi pa kailangang ideklara.

Pero sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na puwede namang ideklara ni Padalhin bilang assets ang downpayment sa property o naibayad na niya dito at liability naman ang kinakailangan pang bayarang utang.

Naniniwala naman si Sen. Loren Legarda, chairman ng Senate foreign relations panel na ang hindi pagdedeklara ni Padalhin ay “in good faith” at hindi nito sinasadya.

Nakasaad naman sa SALN law na maa­ring itama ang detalye sa pagdedeklara ng assets at liabilities.

Show comments