MANILA, Philippines - Ngayong araw na ito hahatulan ng impeachment court si Chief Justice Renato Corona matapos ang halos limang buwang trial.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, unang pagbobotohan ng mga senator-judges ang Article 2 pagkatapos ay ang Article 3 at ang huli ay ang Article 7.
Ipinaliwanag pa ni Sotto na kung sa Article 2 ay maa-acquit si Corona, saka pa lamang pagbobotohan ang dalawang natitirang articles of impeachment.
Pero kung sa Article 2 pa lamang umano ay conviction na ang ihatol ng 16 sa 23 mga senador, hindi na kailangan pang magbotohan para sa Articles 3 at 7.
Kung mako-convict si Corona matatanggal ito sa kaniyang posisyon bilang chief justice.
Sinabi pa ni Sotto na posibleng hindi tumagal ng isang oras ang botohan dahil hindi naman lahat ay magpapaliwanag pa ng kanilang boto.
Samantala, inihayag naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa pagsasara niya sa oral argument na dapat i-convict ng mga senator-judges si Chief Justice Renato Corona.
“I-convict si Corona,” apela ni Belmonte sa mga senator-judges.
Aniya, dapat bumoto ang mga senador na tumatayong hukom sa impeachment court gamit ang kanilang konsensiya at naaayon sa mga ipinakitang ebidensiya.
Sinabi pa ni Belmonte na dapat tingnan ng mga senator-judges ang character ni CJ Corona at pag-isipan kung ito ang gusto nilang mamuno sa buong hudikatura sa susunod na anim na taon.
Ayon kay Belmonte, nakakatakot na ang pinaka-mataas na opisyal ng Hudikatura ang inaakusahan ng pagbaluktot sa hustisya at mali ang paggamit ng batas upang maitago ang kaniyang krimen.
“Isn’t it disturbing, your Honors, that the Judiciary’s highest official, the last bastion of justice for uniform application of laws all over the land is himself the very culprit who is bending justice and misusing the laws to hide his crime? Our people will not allow that your Honors,” pahayag ni Belmonte.