Nakuryenteng OFW ipapagamot ng Villar Foundation

MANILA, Philippines - Sinagot ng Villar Foundation ang pagpapagamot ng nakuryenteng OFW na si Alfredo Salmos.

Bukod sa medical assistance mula sa Villar Foundation, si Alfredo, 52, na kararating lamang ng bansa noong Martes ay binigyan din ng kaun­ting kabuhayan o pagkakakitaan ng Puregold.

Magugunitang nasaklolohan ng pamahalaan at iba’t ibang grupo o samahan si Salmos matapos na i-post sa facebook ng concerned citizens ang kalunos-lunos na la­rawan ng kaniyang na­ging karanasan sa Saudi Arabia.

Mismong si Susan Ople, pinuno ng Blas F. Ople Policy Center na matagal ng katuwang ng Villar Foundation sa programa nitong Sagip-OFW program ang siyang nag-ayos ng pagtatagpo ni Sal­mos, kapatid na si Epifania Salmos-Colina at ni dating Las Piñas Congw. Cynthia Villar.

Natuklasan naman na pareho palang tinulungan ng Villar Foundation ang magkapatid.

Si Colina na isang OFW na tumakas sa kanyang amo sa Dammam ay isa sa mga tinulungan ng Sagip-OFW Hotline noong nakaraang taon para makabalik ng bansa sa pamamagitan ng pag­sagot ng kanyang air fare ticket at pagkaka­loob ng kaunting pagkakakitaan.

“Dati si Epifania, nga­yon si Alfredo, nakaka­lung­kot na parehong hindi naging maganda ang karanasan ng magkapatid sa ibang bansa. Hindi ko lubos maisip ang kalungkutan at pag-aalalang pinagdaan ng kanilang ina sa sinapit nilang magkapatid at ang maganda lamang ay magkakasama na sila ngayon,” ani Villar.

Show comments