Katotohanan apela kay Corona
MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na walang ibang apela ang taumbayan kay Chief Justice Renato Corona sa pagtestigo nito sa impeachment court bukas kundi ilantad ang katotohanan lalo sa kanyang kinukuwestiyong dollar account.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang dapat gawin lamang ni CJ Corona ay huwag nang magtago sa teknikalidad kundi ibunyag ang katotohanan.
Sabi ni Sec. Lacierda, malinaw ang naging paliwanag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na dapat ay isama ng public official sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) pati ang kanyang dollar account.
Umaasa ang Palasyo na ibubunyag mismo ni Corona ang tungkol sa kanyang dollar account na tinukoy ni Ombudsman Cochita Carpio-Morales.
Binigyang katiyakan ng panig ni Corona na may magandang paliwanag ito kung bakit hindi nasama sa kaniyang SALN ang mga kinukuwestyong dollar accounts nito.
Ayon kay defense panel spokesman Atty. Rico Quicho, dalawang isyu na lamang ang haharapin ng punong mahistrado, kabilang ang paliwanag kung bakit wala ito sa kaniyang SALN.
Una ng sinabi ng opisyal na masuwerte na umano ang prosecution panel kung makakahanap sila nang higit sa apat na dollar accounts ng chief justice.
Maalala na sa testimonya ni Ombudsman Morales, inihayag ng opisyal na mayroong 82 dollar accounts si Corona na umaabot ng $12 million.
“Kapag napawalang-saysay na namin iyang 82 alleged dollar accounts na iyan, ang pangalawa namang isyu naming haharapin ay kung ano ang paliwanag, bakit hindi ito inilagay o kung kinakailangan ba itong ilagay doon sa SALN ni Chief Justice Corona,” paliwanag ng abogado.
Naunang sinabi naman ni Sen. Franklin Drilon na hindi mahalaga kung ilan ang bilang ng mga bank accounts ni Corona, sa halip ang importante umano ay nakatala lahat sa kanyang SALN.
Sinabi pa ni Sen. Drilon na sapat na para ma-convict ang akusado sa kahit isang bank account lamang ang hindi nito naitala sa kanyang SALN.
Hindi rin umano maaring gamitin ni Corona na dahilan ang hindi paglagay nito sa SALN ng kanyang dollar accounts dahil sa umiiral na Foreign Currency Deposit Act o Bank Secrecy Law dahil kung ganon ay magiging talamak ang kurapsyon sa pamahalaan dahil itatago na lamang ng mga opisyal ang tagong yaman nila sa dollar accounts.
- Latest
- Trending