China may travel advisory vs Pinas
MANILA, Philippines - Sampung malalaking travel agencies ang nagkansela umano ng biyahe ng mga turistang Chinese sa Pilipinas bunsod ng patuloy na iringan ng dalawang bansa sa Scarborough Shoal.
Sa tala ng Department of Tourism, karaniwang 25 hanggang 100 Chinese tourists ang kasali sa isang grupo at $90-$200 ang ginagasta ng mga Intsik kada araw.
Tiniyak naman ng Malacañang na walang dapat ikabahala ang mga Chinese nationals sa pagbisita sa Pilipinas.
Kasunod ito ng travel advisory na inilabas ng Chinese embassy para sa kanilang mamamayan na mag-ingat sa pagbibiyahe sa bansa sa harap ng nakatakdang pagsisimula ng anti-China rally bukas.
Ang nasabing protesta ay inorganisa ng iba’t ibang grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) sa buong mundo bilang pagtutol sa panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas partikular sa Scarborough Shoal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, payapang bansa ang Pilipinas at welcome ang sinumang turista na dadalaw para magbakasyon.
Wala ring dapat ikabahala sa standoff sa Panatag Shoal at nananatiling palakaibigan ang mga Pilipino.
Giit pa ni Lacierda, ‘it’s more fun in the Philippines’ kaya walang alalahanin sa Chinese travel advisory.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si He Jia, anchor ng China Central Television sa naging pahayag nito na pag-aari ng China ang Pilipinas.
Ang ibig umano niyang sabihin sa kanyang report ay ang “Huangyan islands” na kilala sa Pilipinas bilang Scarborough o Panatag Shoal at parehong inaangkin ng dalawang nabanggit na bansa, ay pag-aari ng China.
- Latest
- Trending