PNoy pangungunahan ang ika-7 Tindahan ni Aling Puring Sari-Sari Store Convention
MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Pangulong Aquino ang pagbubukas ng ika-7 Tindahan ni Aling Puring Sari-Sari Store Convention, ang pinakamalaking pagtitipon ng mga retail entrepreneurs sa bansa.
Si Pangulong Aquino ang magsisilbing panauhing pandangal sa pagbubukas ng apat na araw na Tindahan ni Aling Puring Convention sa World Trade Center sa Pasay City na mag-uumpisa sa Mayo 16 at tatagal hanggang sa Mayo 19.
Kasabay nitong mag-uumpisa ang Tindahan ni Aling Puring Convention na idaraos sa Camp John Hay sa Baguio City na magtatapos naman sa ika-17 ng Mayo.
Inaasahang 70,000 sari-sari store owners o Aling Puring members ang dadalo sa convention dahil patuloy ang paglago ng mga ito. Noong nakaraang taon, umabot sa 60,000 ang nakilahok sa convention.
Sinabi ni Leonardo Dayao, presidente ng publicly-listed supermarket at shopping mall chain, minabuti nilang idaos sa dalawang lugar ang Tindahan ni Aling Puring Convention ngayong taon dahil sa mabilis na pagdami ng kanilang miyembro.
Indikasyon din umano ito ng paglago ng mga lugar sa labas ng National Capital Region na kanilang susuportahan sa pamamagitan ng pagbubukas ng marami pang Puregold stores.
Sa susunod na linggo, aabot na sa 106 ang Puregold stores sa buong Luzon dahil tatlo pa ang bubuksan sa West Avenue sa Quezon City, Gen. Trias sa Cavite at Brgy. Putatan sa Muntinlupa.
Mula nang ilunsad ang Aling Puring program ng Puregold noong 2002, umaabot na sa 180,000 ang miyembro nito.
- Latest
- Trending