MANILA, Philippines - Binatikos ng mga mambabatas ang ginawang ‘planting’ of evidence o ng baril ng mga pulis-Makati sa negosyante at kanyang aide na kanilang pinagbabaril matapos na mapagkamalang mga holdaper.
Napanood ni Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento ang kuha ng closed circuit television na hawak ngayon ng National Bureau of Investigation na nag-iimbestiga sa kaso.
Nakalulungkot din umano dahil pinagtatakpan pa ng kanilang mga opisyal ang mga tauhan na sangkot sa krimen.
Makikita umano sa CCTV ang ginawang pagpaslang ng mga pulis kay Ronald Infante, may-ari ng mga auto-supply stores at isang aktibong fire volunteer at ang kanyang aide na si Jimmy Almamon.
Inakala ng mga pulis na ang dalawa ang itinuturo na nagtangkang humoldap sa isang delivery van kaya umano sila pinagbabaril ng mga pulis. Upang palabasin na nanlaban ang mga ito ay nilagyan umano nila ito ng mga baril.
Kinasuhan na sina SPO1 Raul Tamarion, PO3 Christopher Abeleda, PO2 Carmelo Tuzon, at PO2 Elmandy Arconado pero hindi kontento rito si Sarmiento dahil dapat umanong makasuhan din ang kanilang mga immediate superiors na nagbura ng kuha ng CCTV.
“I have no doubt in my mind that these Makati policemen would have gotten away with murder had it not for the NBI which fortunately has the technology to restore erased videos. The big question is: who ordered the attempted tampering of the CCTV video footage,” ani Sarmiento, senior vice chair ng House committee on public safety and security.