MANILA, Philippines - Muling iginiit ni Alab ng Mamamahayag (Alam) Chairman Jerry Yap ang pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa dahil nagtaasan na rin ang mga bilihin bukod pa sa tumaas din ang tuition fees sa eskwelahan.
Ani Yap, kahit ang mga State Universities and Colleges (SUCs) ay nagtaas din ng singil, kaya kung hindi tataas ang sahod ng mga manggagawa ay maraming estudyante ang mahihinto sa pag-aaral.
Maraming pamilya rin umano ang magugutom dahil kung tutuusin ay sobra-sobra na ang paghihigpit ng sinturon ng masa para mapagkasya lamang ang kakarampot nilang kinikita.
Aniya, kahit ang mga miyembro ng media ay nahihirapan na rin sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbabayad ng tuition fees ng kanilang mga anak.
Binigyang diin pa ni Yap na hindi naniniwala ang NPC at ALAM na maaaring matanggal sa trabaho ang ilang manggagawa sakaling pagbigyan ang P125 legislated wage increase dahil sobra-sobra pa nga ang kinikita ng malalaking kumpanya at sa katunayan anya nakabilang pa sa listahan ng Fortune Magazine bilang pinakamayayaman sa buong mundo ang ilang negosyante sa bansa.