PNoy pinayuhan ng oposisyon para 'di mabanatan ng media
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng oposisyon sa Kamara si Pangulong Noynoy Aquino na pagsabihan ang kanyang mga tauhan na ayusin at galingan ang kanilang trabaho upang hindi banatan ng media.
Ayon kay Minority floor leader Danilo Suarez, hindi maiiwasan na magkaroon ng negatibong komento ang media sa pamahalaan lalo na kung hindi naman kuntento ang publiko sa serbisyong ibinibigay ng mga ito.
Giit ng mambabatas, ito ang dapat na gawin ng Pangulo dahil bumabalik sa kanya ang mga kritisismo kahit hindi siya ang binabanatan ng media.
Idinagdag pa ni Suarez, kung tutuusin pa nga ay kakampi pa rin ng Pangulo ang media dahil malaking bilang ng mga ito ang sumusuporta at naniniwala sa kanyang mga gawa sa pamahalaan.
Ang dapat umanong maintindihan ng Pangulo na bahagi ng demokrasya at freedom of the press ang mga balita mula sa media at dapat maintindihan nito na parte rin ng kanyang trabaho ang pagtanggap ng mga kritisismo.
Ang reaksyon ni Suarez ay bunsod sa pagbanat ng Pangulo sa 16th National Press Forum ng Philippine Press Institute (PPI) na ginanap sa Traders Hotel kung saan tahasang sinabi nito na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iral ng talangka mentality kahit sa hanay ng media.
- Latest
- Trending