IACAT, KBP magkasangga kontra human trafficking
MANILA, Philippines - Nagkaisa ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at International Justice Mission (IJM), sa pakikipagtulungan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na tulungan ang pamahalaan sa pagsugpo sa human trafficking.
Sa isang pulong na may pamagat na “Human Trafficking Beat: Combating Trafficking through Responsible media Partnerships” na ginawa sa Richmonde Hotel, Ortigas Center sa Pasig nagkasundo ang mga nasabing ahensiya at organisasyon na magbigay ng kaalaman sa media professionals sa isyu ng human trafficking, mahahalagang batas, pangangailangang kompidensyal at patas na pamamahayag.
Inilabas din ng KBP ang “Manifesto for Media Practitioners on Combating Human Trafficking” na layong itaas ang antas ng propesyunal at etikal na pamantayan sa larangan ng brodkasting.
Naglabas din si KBP president Ruperto S. Nicdao, Jr., ng KBP Circular na inaabisuhan ang mga miyembro nito na i-ere ang mga radio materials ng IACAT mula April 15 hanggang June 30, 2012. Alinsunod ito sa proyekto ng IACAT na “Call Action Line 1343 Anti-Human Trafficking”, na 24-hour hotline na tutugon sa mga tawag mula sa biktima ng human trafficking.
Nagpahayag ng pag-asa si Jose Vicente Salazar, Undersecretary-in-charge ng IACAT, sa mabuting ibubunga ng pagtulong ng isang ginagalang at impluwensyal na organisasyon tulad ng KBP sa pagsupil sa mga human traffickers.
- Latest
- Trending