Extortionist na guard sa subd., inaresto ng PNP-SOSIA/CIDG
MANILA, Philippines - Inaresto ng pinagsamang puwersa ng mga tauhan ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) at PNP-CIDG ang isang security guard at dalawa pa nitong kasamahan matapos ireklamo ng extortion ng mga motoristang dumadaan sa Gatchalian Subdivision, sa Las Piñas City.
Kinilala ni Chief Supt. Tomas G. Rentoy III, hepe ng PNP - SOSIA, ang mga suspect na sina Leonilo Samson, security guard ng Homeland Security Agency at may expired license bilang guardya, Alcaraz S. Alcaraz Sr. at Joselito M. Salaguit.
Sinabi ni Rentoy III, ang mga suspect ay matagal ng inirereklamo ng mga motorista na pumapasok sa nasabing subdivision dahil sa panggigipit at pangongotong na ginagawa ng mga ito kapag pumapasok ang mga sasakyan sa naturang lugar.
Dahil sa pangyayari, agad isinagawa ng mga tauhan ni Rentoy III ang operasyon para arestuhin ang mga suspect at nakuha sa mga ito ang isang baril at mga patalim na gamit nila sa kanilang pangongotong at pananakot sa mga motorista.
Nagbabala si Rentoy III, sa iba pang security agencies na i-monitor ang kanilang mga guwardiya dahil hindi sila nangingimeng kasuhan at ipakulong ang mga ito oras na nagkasala.
Samantala, sinabi ni Rentoy III, na papatawan nila ng administrative sanction ang Homeland Security Agency. Ang mga suspect ay sinampahan ng kasong kriminal sa Las Piñas Prosecutor’s Office.
- Latest
- Trending