MANILA, Philippines - Muling nagpakita ng puwersa ang bansang China sa Scarborough Shoal matapos magpadala ng ikatlong maritime patrol vessel sa lugar.
Ito ang kinumpirma kahapon ni AFP- Northern Luzon Command Chief Lt. Gen. Anthony Alcantara matapos maispatan dakong alas-6:10 ng umaga kahapon ang Yuzheng 310, ang pinakamodernong patrol vessel ng China sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal).
Sinabi ni Alcantara na inireport sa kaniya ng mga opisyal at tripulante ng BRP EDSA DOS ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabantay sa Scarborough ang presenya ng Yuzheng 310 sa lugar.
Nabatid na mas higit ang kakayahan ng Yuzheng 310 kumpara sa BRP Gregorio del Pilar ng PCG.
Sinabi naman ni Alcantara na hindi naman naispatan ng mga radar sa lugar ang dalawang surveillance ships ng China na Zhonggou Haijian 75 at Zhonggou Haijan 84.
Sa kasalukuyan ay tanging ang BRP EDSA DOS ng PCG at ang Yuzheng 310 ng China ang nasa Scarborough Shoal kaugnay ng patuloy na standoff.
Umalis na rin sa lugar ang limang bangkang pangisda ng mga Chinese noong Biyernes.
Idinagdag pa ni Alcantara na binabantayan ng Chinese maritime vessel ang lugar laban sa mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal na inaangkin ng mga ito.
“The situation is stable and no untoward incident na dun sa area,” ayon pa kay Alcantara.
Noong Abril 10 pa nagsimula ang standoff matapos harangin ng dalawang surveillance ship ng China ang pag-aresto sana ng BRP Gregorio del Pilar sa walong bangka ng mga Intsik na naaktuhang illegal na nangingisda sa Scarborough Shoal.