MANILA, Philippines - Itinanggi ni Senator Francis “Chiz” Escudero na isang uri ng pamumulitika ang kaniyang bagong commercial sa telebisyon kung saan ini-endorso niya ang isang kolehiyo.
Reaksiyon ito ni Escudero dahil sa pamumuna ng ilan na paghahanda sa 2013 mid-term elections ang nasabing TV commercial.
Iginiit ni Escudero na trabaho lamang ang kaniyang ginawa at wala itong halong pulitika.
Hindi rin naman aniya ito ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng endorsement katulad ng kaniyang commercial tungkol sa isang food supplement at relos. Ipinunto pa ni Escudero na may mga kumukuha ng kaniyang serbisyo at mas mabuti na aniyang ito ang pagkakitaan niya kaysa sa pulitika.
Tiniyak din ni Escudero na idineklara niya sa kaniyang income tax return ang kaniyang kinita o talent fee sa kaniyang TV commercial.