DILG hirap kay Palparan

MANILA, Philippines - Aminado si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na hirap ang mga otoridad na tugisin at arestuhin ang wanted na si ret. Major Jovito Palparan.

Si Palparan ay matagal ng may warrant of arrest sa kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagdukot sa dalawang UP students na sina Sheryl Cadapan at Karen Empeno.

Ayon kay Robredo, masyadong maraming leads ang dumarating sa kanila kaugnay ng kinaroroonan ni Palparan pero lumabas na negatibo ang lahat sa kanilang beripikasyon.

Naniniwala si Robredo na sadyang nililito ng kampo ni Palparan ang mga otoridad kaya nagpakawala ng maraming leads.

Dahil dito, iginiit ni Robredo sa pulisya na laliman ang pag-aanalisa ng mga impormasyong nakakarating dito.

Pero hindi anya dapat sisihin ang mga opisyal sa tagal ng paghuli kay Palparan dahil dati itong opisyal ng military at nagagamit ang kaalaman sa pagtatago.

Show comments