MANILA, Philippines - Hinarangan ng Civil Aviation Authorities of the Philippines (CAAP) ang isang bahagi ng Flight Information Region (FIR) sa hilaga ng bansa. Isa itong lugar sa himpapawirin ng Pilipinas at meron itong hurisdiksyon sa lahat ng klase ng eroplanong komersiyal at military.
Ginawa ang hakbang bilang paghahanda sa papuputuking rocket ng North Korea na nakatakda sa Abril 12-16.
Ang first-stage rocket booster ay inaasahang babagsak sa Yellow Sea sa timog-kanluran ng South Korea habang ang pangalawa ay sa karagatan sa layong 140 kilometro mula sa silangan ng Pilipinas.
Marami ang nangangamba na kapag pumalpak ang rocket launching, babagsak sa teritoryo ng Pilipinas ang mga bahagi ng second-stage booster na may timbang na 1.5 tonelada.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ng Pilipinas ang mga kapitan ng barko at mangingisda na iwasan ang karagatan sa hilagang-silangan ng bansa na tinatayang babagsakan ng nagkapira-pirasong bahagi ng rocket.
Kaugnay nito, sinabi ni CAAP Spokesperson Joy Songsong na pansamantalang isasara ng ahensiya ang tatlong northeastern air corridor na magbubunga sa dagdag na 20 minuto sa travel time ng mga kumpanya ng eroplano.