Rider na inayudahan ng PSG pumanaw
MANILA, Philippines - Hindi rin naisalba sa kamatayan ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) ni Pangulong Benigno Aquino III ang buhay ng isang motorcycle rider na kanilang isinugod sa pagamtuan makaraang masangkot sa isang aksidente kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktimang nakilala sa pamamagitan ng kanyang driver’s license na si Ryan Alejandro Mandap, 30-anyos, at dating residente ng no. 16F A. Luna St., Barangay Bambang, Pasig City.
Sa ulat ni Sr. Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, unang bumangga ang Yamaha motorcycle (8693-XO) ni Mandap sa likurang bahagi ng Suzuki Super Carry delivery van (UKS-755) na minamaneho ni Arvin Tecson Angeles, 40-anyos, driver ng Philippine Post Office (PPO) dakong alas-10:30 ng umaga sa may southbound ng Roxas Boulevard sa Buendia flyover ng naturang lungsod.
Dito nawalan ng kontrol at sumemplang sa kalsada ang biktima. Tiyempo namang napadaan ang convoy ng Pangulo at napansin ang duguang biktima na nakahandusay sa kalsada. Dahil sa walang nakikitang tumutulong, inutusan na ng Pangulo ang kanyang PSG na saklolohan ang biktima at isugod agad sa pagamutan kung saan ito nalagutan ng hininga.
Hawak naman ng pulisya si Angeles na isinasailalim sa imbestigasyon upang mabatid kung masasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.
- Latest
- Trending