Unli rice na sa Pinas
MANILA, Philippines - Magiging “unlimited rice” na rin sa Pilipinas sa Disyembre 2013 at hindi na kailangan pang mag-angkat ng bigas sa ibang bansa sa susunod na taon.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Tony Fleta, halos 80 porsiyento ng nailatag ang “rice sufficiency program” ni DA Secretary Proceso Alcala kaya marami ng stock na bigas ang bansa.
Sinabi ni Fleta, higit pang pinag-ibayo ng DA ang papapagawa ng karagdagang irrigation canals sa buong bansa para makapag-ani ng palay ang mga magsasaka ng tatlong beses sa isang taon.
Namahagi na rin ng mga post harvest equipments ang DA tulad ng threshers, dryers at milling equipments para kahit tag-ulan ay tuloy ang pag-ani ng palay.
Pinulong na rin ng DA ang mga rural banks na kung kailangan ng isang magsasaka na bumili ng binhi at wala pang perang pambili ay pahiramin muna ang mga ito at ang DA ang magsisilbing guarantor sa pagbabayad.
Sa panig naman ni National Irrigation Administrator (NIA) Antonio Nangel, sinabi nito na ang irrigation system ang susi tungo sa rice sufficiency ng bansa para makapag-ani ng tatlong beses kada taon ang mga magsasaka.
“Simula ng maupo ang Pangulo Aquino, nakapagpatayo na ng mahigit sa 150,000 hectares ng irrigation canals ang NIA pero ang target ay 290,000 sa 2013,” ayon kay Nangel.
Sa susunod na taon ay inaasahan ni Nangel na aabot sa 300,000 ektarya ng patubigan ang matatapos na higit pa sa target ng DA at NIA na 290,000 ektarya.
- Latest
- Trending