Bilihan ng PCOS tuloy na
MANILA, Philippines - Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na wala ng hadlang ang muling paggamit ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines ng Smartmatic sa darating na 2013 elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, tuluy-tuloy na ang pagbili ng PCOS matapos magpirmahan kahapon ang Comelec at Smartmatic sa tinatawag na ‘option to purchase.’
Magugunitang may ilang kumokontra sa tuluyang pagbili ng mga nasabing PCOS machines na ginamit sa 2010 Presidential elections dahil sa ilang sablay at inaning kontrobersiya.
Kabilang sa mga humaharang si Sen. Koko Pimentel at kinukuwestiyon ang botohan ng Comelec 5-2, pabor sa pagbili ng mga machines.
Pero ayon sa Comelec tuloy na tuloy na ang muling paggamit sa mga PCOS machines sa susunod na halalan at tanging temporary restraining order (TRO) lamang mula sa korte ang makakapigil dito.
Ang election watchdog na Legal Network for Truthful Elections (Lente) ay naglabas na rin ng statement na maghahain sila ng petisyon sa korte upang humingi ng TRO sa pamamagitan ng Movement for Good Governance (MGG) na grupo ng economist na si Solita Monsod.
Una rito, idinepensa ng Comelec na mas nais nilang makatipid kaya gagamitin ang lumang mga makina dahil ang pagrenta ng mga bagong machines ay gagastos ng aabot sa P6.2 billion.
Samantala sa pagbili ng 2010 PCOS machines ay magluluwal lamang ang poll body ng P1.8 billion.
- Latest
- Trending