Miriam bumanat uli ng pick-up lines
MANILA, Philippines - Muli na namang bumanat ng kanyang mga pick-up lines si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa graduation ng isang eskuwelahan sa Antipolo City, kamakalawa.
“Alarm clock ka ba? Kasi paggising ko ikaw una kong gustong patayin,” pambungad ni Santiago sa harap ng libong estudyante ng University of Rizal System.
Inamin din ni Sen. Santiago na lalo lamang siyang nagkasakit dahil sa pagdalo sa impeachment trial sa Senado.
Binanatan din niya si Atty. Vitaliano Aguirre na nagtakip ng tenga nang sabunin ng senadora ang prosecution.
“Mayroon pang isang matanda, galit ako sa kanya dahil wala siyang sex appeal. Lumapit-lapit sa ‘kin tapos tatakpan tenga. Habang nagsasalita ako, binabastos niya ako, kaya lumapit ako agad sa kanya, sabi ko sa kanya, ‘Nanghahamon ka ba?’ ‘Hindi po,’ sabi niya. ‘Graduate ka ba ng University of Rizal?’ ‘Hindi po.’ Suntukin ko na sana,” kuwento ni Santiago.
Mayroon din siyang pick-up lines para sa mga sawi sa pag-ibig.
“Anong tawag sa mag-boyfriend na pareho maganda mukha? Answer: Ang tawag diyan ay tinadhana.”
“Anong tawag sa mag-boyfriend na pareho pangit? Answer: Sumpa.”
Nanawagan din si Santiago kay Corona na personal silang tumestigo ng misis para palakasin ang kanilang depensa.
Bilang isang dating trial judge, sinabi ni Santiago na makikita naman sa mga humaharap sa korte kung sila ay nagsisinungaling o hindi.
Bagaman at may karapatan umano si Corona o “right against self incrimination,” ang chief justice lamang umano ang makakapagpaliwanag at makakapagtanggol sa kaniyang sarili.
- Latest
- Trending