MANILA, Philippines - Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na papasok sila sa eksena at magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa isyu nang pagtanggi ng isang Catholic School sa Cebu na paakyatin sa entablado sa araw ng kanilang graduation ang dalawang estudyante na nagpaskil ng larawang naka-bikini at may hawak umanong sigarilyo at alak sa social networking site na Facebook.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, nirerespeto nila ang karapatan ng mga pribadong paaralan na lumikha ng sariling polisiya pero titingnan umano nila kung lumabis ang paaralan sa pagbibigay ng parusa.
Aniya, maaari rin naman aniyang makialam ang pamahalaan sakaling ang polisiya ng naturang pribadong paaralan ay labag na sa batas.
Sinabi pa ni Umali na dapat na isipin ng mga naturang paaralan na ang mga kaparusahang ipapataw ng mga ito sa kanilang mga estudyante ay akma sa offense o paglabag na nagawa ng mga ito.
Pinayuhan rin ni Umali ang mga magulang at mga estudyante na basahing mabuti ang student handbook ng papasukang paaralan, partikular na kung ito’y isang Catholic school.
Nauna rito, sinampahan ng kasong kriminal ng dalawang estudyante ang mga school officials ng Saint Theresa’s College (STC) sa Cebu City matapos na hindi payagang makalahok sa graduation rites ang kanilang mga anak dahil sa pagpapaskil ng larawang naka-bikini sa FB.
Nabatid na ang mga school officials ay nahaharap sa kasong grave oral defamation at child abuse matapos umanong suwayin ng mga ito ang temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Cebu Regional Trial Court Branch 19 na nag-aatas sa naturang paaralan na payagan ang mga estudyante na sumali sa graduation rites.
Dala ang TRO, nagtungo umano ang mga estudyante at kanilang mga magulang sa gate ng STC sa pag-asang makakasama ang mga bata sa graduation ceremony.
Iyak na lamang umano ang naging tugon ng mga estudyante habang galit na galit naman ang mga magulang ng mga ito nang hindi sila papasukin ng guwardiya ng naturang paaralan.
Nanindigan naman ang mga opisyal ng STC na tama lamang ang kanilang desisyon dahil may nakahain silang motion for reconsideration sa TRO na inisyu ni Cebu City RTC Judge Wilfredo Navarro.
Samantala, anim na lalaking high school students sa isang Catholic school sa Marikina ang hindi naman kaagad ibibigay ang diploma dahil sa pictures nila na na-upload sa FB kung saan makikita umanong tila naghahalikan ang mga ito.