MANILA, Philippines - May “marching orders” na si House Speaker Feliciano Belmonte sa mga kongresista upang bigyan si Pangulong Noynoy Aquino ng emergency powers upang masolusyunan ang krisis ng enerhiya sa Mindanao.
Ayon kay Belmonte, nagkakaisa sila upang maresolba ang power crisis sa Mindanao subalit nasa Palasyo na umano kung magsusumite ito ng sariling bersyon para sa panukalang emergency powers subalit kikilos na rin sila agad upang matugunan ang problema sa nasabing lalawigan.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Belmonte na walang kumausap sa kanya mula sa Malacañang kaugnay sa posibleng pagbibigay sa Pangulo ng emergency powers.
Nagpahayag din ng suporta sina House Majority leader at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, Eastern Samar Rep. Ben Evardone at Negros Occidental Rep. Albee Benitez sa marching order ni Belmonte.
Sinabi ng mga kongresista, importante ang panukalang emergency powers kay Aquino upang mabilis na matugunan ang lumalalang krisis sa Mindanao kayat dapat nila itong suportahan.
Nagbabala naman si Senator Francis “Chiz” Escudero laban sa mga negosyante na posibleng nagkukutsabahan upang magkaroon ng artipisyal na krisis sa kuryente partikular sa Mindanao.
Ayon kay Escudero, matutukoy sa isasagawang pagdinig ng joint congressional power commission (JCPC) kung nagkakaroon talaga ng kutsabahan ang mga nasa sektor ng enerhiya.
Tiniyak din ng senador na gagawin ang hearing ng JCPC pagkatapos ng Holy Week upang matukoy ang pinagmumulan ng power crisis.
Nauna ng sinabi ni Escudero na dapat magkaroon ng standby power ang Pangulo upang matugunan kaagad ang krisis sa enerhiya.