Pacquiao reresbak sa BIR-12
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na bubuweltahan niya ang regional director ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Region 12 na nagsampa ng kasong criminal laban sa kanya sanhi umano ng hindi niya pagsusumite ng mga dokumento kaugnay sa mga dapat niyang babayarang buwis.
Hiniling ni Rep. Pacquiao kay Pangulong Benigno Aquino III na sibakin na sa puwesto si BIR Region 12 Director Atty. Rozil Lozares dahil nakakasira umano ang naturang opisyal sa isinusulong ng pamahalaan na daang matuwid.
Sinabi ni Pacquiao sa isang media briefing sa Manila Peninsula Hotel, na sa susunod na linggo ay magsisimula na siyang magsanay sa nalalapit niyang laban kay Timothy Bradley at magiging mabigat sa kanyang dibdib kung hindi siya gagawa ng kaukulang aksiyon upang labanan ang ginagawang panggigipit sa kanya ng BIR.
Napag-alaman, na naunang naghain ng kasong kriminal ang Region 12 ng BIR laban kay Pacquiao matapos na umano’y hindi tugunan ang tatlong subpoena na ipinadala sa kanya kaugnay sa pagkakaroon ng kuwestiyon sa binayaran niyang buwis.
Ipinaliwanag naman nina dating Justice Secretary Artemio Toquero at Atty. Abraham Espejo, mga abogado ni Pacquiao, na ipinadala ng BIR Region 12 ang Letter of Authority at Subpoena Duces Tecum sa isang lugar sa Gen. Santos City at sa taong hindi kakilala ng mambabatas.
Anila, nilabag ni Lozares ang umiiral na Revenue Memorandum Circular na nagpapahayag na dapat dalhin ang letter of authority ng personal sa taong pagbibigyan nito at hindi idadaan lamang sa inaakala nilang kinatawan.
Bukod dito, mali aniya ang akusasyon ni Lozares na hindi tumugon si Pacquiao sa subpoena dahil dinala aniya ng kanyang accountant ang mga dokumento na kanilang sinuri at sa ikalawang pagkakataon naman ay hindi naman sumipot si Lozares sa pagdinig.
Naniniwala ang kongresista, na walang kinalaman ang administrasyon ni Pangulong Aquino sa ginagawang panggigipit sa kanya dahil tumutulong naman siya sa page-endorso ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Handa aniya siyang labanan hanggang sa huling round ang kasong isinampa laban sa kanya at naniniwala siyang sa dakong huli ay siya pa rin ang magtatagumpay.
- Latest
- Trending