Power crisis sa Mindanao hanggang 2014
MANILA, Philippines - Ipinahiwatig kahapon ng Malacañang na tatagal pa ng dalawang taon o hanggang 2014 ang nararanasang krisis sa kuryente sa Mindanao dahil sa 2014 pa matatapos ang itinatayong power coal plant sa nasabing lugar.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, patuloy na magpapadala ng mga power barges sa Mindanao habang hindi pa natatapos ang power coal plant.
Sinabi rin ni Valte na may mga nakita ng kadahilan ang grupo ni Energy Secretary Jose Almendras sa nangyayaring kakapusan ng kuryente sa Mindanao at hinahanapan na ito ng solusyon.
Ang pagpapadala ng mga power barges sa Mindanao ay pansamantalang solusyon lamang at ang pagtatayo ng mga power plants ang pangmatagalang solusyon.
Nauna rito, pinaiimbestigahan ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel sa kinauukulang komite sa Senado ang nangyayaring rotating brownouts sa Mindanao upang mawala ang hinala na articifial lamang o sinasadya ang mga ito.
Naniniwala naman si Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles na isang uri ng pananabotahe ang sanhi ng problema sa supply ng kuryente sa Mindanao.
Paliwanag ng mambabatas, hindi dapat na dumaranas ang Mindanao ng kakulangan ng kuryente dahil sa marami naman itong maaaring pagkunan tulad ng hydro at iba pang power alternatives.
Dahil dito kaya inindorso sa Kamara ang pagsasagawa ng imbestigasyon bunsod sa patuloy na blackout sa Mindanao at ilang bahagi ng Visayas. Dapat din umanong matukoy kung ano o sino ang tunay na dahilan ng malawakang blackout na ito.
“If it is found out that the power problem is but an artificial result of sabotage, this is a crime which deserves the harshest of penalties,” ayon pa kay Nograles.
- Latest
- Trending