Girl Pick-up ng Senado: Miriam Defensor-Santiago
MANILA, Philippines - Hindi lamang sa mga maaanghang at matatapang na salita kilala ngayon si Senator Miriam Defensor-Santiago kundi maging sa kaniyang mga nakakatawang pick-up lines na hindi nawawala tuwing naiimbitahan siyang maging guest speaker.
Kung marami ang naiilang kay Santiago lalo na sa hanay ng prosecution panel ng House of Representatives kapag tumayo na siya sa impeachment court, marami rin naman ang nag-aabang ng kaniyang mga sasabihin na kalimitan ay palaging nagiging banner ng mga pahayagan, partikular na ng Pilipino Star Ngayon (PSN).
Isa si Santiago sa palaging laman ng PSN dahil masasabi talagang mga “quotable quotes” ang kaniyang mga binibitiwang pahayag.
Ang pinakahuli sa mga naging pahayag ni Santiago na naging banner ng PSN ay ang pahayag niya patungkol sa isang pari na “Walang Impiyerno”.
Ginawa ni Miriam ang pahayag matapos mapaulat na sinabi ni Father Catalino Arevalo na mapupunta sa impiyerno ang senadora dahil sa palagi nitong panenermon at pagmumura sa hanay ng prosekusyon na nauna na niyang inakusahan na hindi pinaghandaan ng maayos ang mga isinumiteng Articles of Impeachment sa Senado laban kay impeached Chief Justice Renato Corona.
Hindi lamang sa loob ng impeachment court nasaksihan ang pagiging prangka ng senadora kundi maging sa mga committee hearing lalo na kung siya ang presiding chairman.
Ayaw ng senador na nakakarinig ng tumutunog na cellphones tuwing may hearing at mga taong nagpapalakad-lakad o palabas-labas ng kuwarto kung saan niya isinasagawa ang pagdinig.
Sa kabila ng matapang na personalidad na nakikita ng publiko kay Santiago, iba naman ang tingin sa kaniya ng ilan sa kaniyang mga staff. Kung may mga senador na pabago-bago ng media relations officers, ang MRO ni Santiago na si Tom Tolibas ay nagsimulang magsilbi sa kaniya noon pang 2004 hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa isang source, may empleyado rin si Santiago na nagsimulang manilbihan sa kaniya noon pang 1992.
Samantala, kabilang sa mga pick-up lines ni Santiago na talaga namang pumatok sa kaniyang mga audience ay ang mga sumusunod:
1. Girl: Saan tayo magde-date sa Valentine’s?
Boy: Sa sementeryo!
Girl: Bakit dun?
Boy: Para mapatunayan kong patay na patay ako sayo.
At pumunta nga sina Boy and Girl sa sementeryo para mag-ghost hunting. Habang naglalakad sila sa pinakamadilim na bahagi ng sementeryo, biglang napasigaw si Boy.
Boy: Naku! Hala! Naramdaman mo ba un?!
Girl: Alin?
Boy:....na MAHAL KITA.
2. Question: Pedicab ka ba?
Answer: PEDICABang i-date sa Valentine’s Day?
3. Ang love, parang bayad sa jeep. Minsan, hindi nasusuklian.
4. Bulaklak ka ba? PAA mo kasi MAUGAT.
5. Ang sabi nila “An apple a day keeps the doctor away.” Kung guwapo o maganda ang doctor, ayoko na ng apple.
6. Pwede bang magpa-blood test? Para malaman mo na type kita.
7. Malapit na ang Valentine’s Day ah. Pero bakit ikaw mukha pa ring HALLOWEEN?
8.Tuwing makikita ko ang mukha mo parang gusto kong sumigaw ng “Objection!”
9. Gusto kitang kasuhan ng trespassing. Kasi basta-basta ka lang pumapasok sa puso ko.
10.Empleyado ka ba? Empleyado rin ako. Pwede tayong magkaroon ng union.
Patok din ang naging talumpati ni Santiago tungkol sa Reproductive Health Bill Forum na isinagawa sa University of the Philippines sa Diliman dahil sa kaniyang mga pick-up lines katulad ng mga sumusunod:
1. Sana naka-off ang ilaw para tayo na lang mag-on.
2. Nakalimutan ko ang pangalan mo eh. Puwede bang tawagin na lang kitang akin.
3. Pag wala ka ang buhay ko ay parang lapis na hindi pa natatasahan. Pointless.
4. Hindi ko sinasabing maganda ako. Ang sinasabi ko lang panget ka.
5. When someone told me ang ganda mo, I answered sana ikaw rin.
6. In swimming...classmate 1: Sigurado ko lulutang ka. classmate 2: Bakit, dahil payat ako? Classmate 1: Hindi. dahil plastic ka.
Sigurado ang mga loyal readers ng PSN na marami pang pick-up lines na maririnig sa senadora kaya naman ito’y inaabangan na nila. Tiyak din na patuloy na magba-banner sa mga pahayagan ang mga “quotable quotes” nito na siksik sa laman na kailangan mo pang tingnan sa Webster Encyclopedia ang spelling at kahulugan para lubos na maunawaan tulad ng “I am foaming at the mouth. I’m homicidal. I’m suicidal. I’m humiliated, debased, degraded. And not only that, I feel like throwing up to be living my middle years in a country of this nature. I am nauseated”.
‘‘Isang maligayang ika-26 taon sa PSN.
Salamat at mabuhay kayo’’, ayon sa senadora.
- Latest
- Trending