MANILA, Philippines - Nanguna si Sen. Loren Legarda sa top senatorial bet para sa darating na May 2013 senatorial elections sa isinagawang survey ng Pulse Asia.
Nasa 58.5 percent ng mga Filipino ang boboto kay Sen. Legarda kung ngayon isasagawa ang eleksyon sang-ayon sa survey nitong Pebrero 26 hanggang Marso 9 kung saan ay 1,200 ang respondents nito.
Pumangalawa sa survey si Sen. Francis Escudero (52.7%) kasunod si DOTC Sec. Mar Roxas (41.8%), Sen. Alan Cayetano (41.6%) at Cagayan Valley Rep. Jackie Enrile Jr., anak ni Senate President Juan Ponce Enrile, na may 38.2 percent.
Nasa panglimang puwesto naman si dating Vice-President Noli de Castro (34.6%), sinundan ni Sen. Antonio Trillanes IV (33.7%), Sen. Gringo Honasan (32.1%), San Juan Rep. JV Ejercito (31.3%) at Sen. Koko Pimentel, 29 percent.
Pumasok din sa survey na may 26.9% si ABS-CBN anchor Ted Failon kasunod si Justice Sec. Leila de Lima, Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, dating Sen. Miguel Zubiri at dating Sen. Jamby Madrigal.
Ang iba pang personalidad na nakapasok sa survey ay sina dating PMS Sec. Mike Defensor (21.5%), presidential sister Kris Aquino (20.7%), dating Sen. Richard Gordon (20.3%), game show host Willie Revillame (P20.2%), Ms. Ma. Lourdes Nancy Binay na anak ni Vice-President Jejomar Binay (19.5%), Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (18.6%) at Aurora Rep. Juan Edgardo Angara (18.1%).