ECC sa Tampakan muling iginiit ng Mindanao LGUs
MANILA, Philippines - Muling umapela kay Pangulong Aquino ang local government units (LGUs) na apektado ng hindi pagkakaloob ng environmental compliance certificate (ECC) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kinontrata ng gobyerno na Sagittarius Mines, Inc. (SMI) sa $5.9-B Tampakan gold copper project sa South Cotabato.
Sa pagdalo sa iba’t ibang forum sa Metro Manila kamakailan, nilinaw nina Tampakan, South Cotabato Mayor Leonardo Escobillo Sr. at Kiblawan, Davao del Sur Mayor Marivic Diamante na mas gusto nila ang large-scale mining sa kanilang mga lugar dahil mas nakapipinsala ang ilegal na small-scale mining na walang kontrol sa paggamit ng asoge o mercury at dinamita sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Mayor Diamante na bagamat walang small-scale mining sa kanyang bayan, tiyak na magaganap ito kapag hindi pinagkalooban ng ECC ang Tampakan project dahil lamang sa ordinansang ipinatupad ng South Cotabato na nagbabawal sa open-pit mining na gagamiting paraan sa pagmimina ng SMI.
Aminado naman si Mayor Escobillo na kahit ano ang gawin nilang paghihigpit, laganap ang ilegal na pagmimina sa kanilang bayan at ang tanging solusyon dito ay ang operasyon ng SMI para magkaroon ng hanapbuhay ang maraming mamamayan.
- Latest
- Trending