MANILA, Philippines - Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang paraan ng rehistrasyon at pagboto ng mga bilanggo bilang bahagi ng paghahanda sa May 13, 2013 national at local elections.
Sa ilalim ng Comelec resolution no 9371, lahat ng bilanggong aabot ng 18-taong gulang sa araw ng halalan sa 2012 ay papayagang makapagparehistro at makaboto.
Maglalagay ang Comelec ng mga satellite registration center sa lahat ng provincial, city, municipal jails at iba pang correctional at rehabilitation centers sa buong bansa.
Sa araw ng halalan, magtatayo ang Comelec ng special polling places na tatauhan ng special board of election inspectors.
Nabatid na papayagan lamang na makaboto sa ibang lugar ang mga bilanggo kung mayroong kautusan ang hukuman.