MANILA, Philippines - Panalo si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at tatlo pang opisyal ng lokal na pamahalaan hinggil sa isinampang kaso laban sa mga ito sa Office of the Ombudsman dahil sa alegasyon na hindi pagbabayad ng employees premium contribution sa Government Service Insurance System (GSIS).
Batay sa 29-pahinang joint Resolution na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Marso 6,2012, pinawawalang sala nito sina Echiverri, City Treasurer Evelina Garma, City Budget Officer Jesusa Garcia at City Accountant Edna Centeno sa naturang kaso dahil walang sapat na ebidensiya na nakita ang Ombudsman para idiin ang mga ito sa kaso.
Bunsod nito, inutos ni Morales na tanggalin na ang suspension order ng mga ito kaugnay ng naturang kaso.
Ang kaso ay nag-ugat nang magsampa ng reklamo sa Ombudsman si Caloocan City Vice-Mayor Edgar Erice laban sa mga respondents bunga ng umano’y paglabag sa RA 8291 (the GSIS Act of 1997), Sec. 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Ito’y bunga ng hindi umano pag-remit ng lokal na pamahalaan ng GSIS premium ng mga empleyado nito mula Hulyo 1997 hanggang Disyembre 2002 at mula Enero 2007 hangang Dis. 31, 2010.
Dahil dito, agad namang nagpasalamat si Echiverri sa Ombudsman at ayon pa sa alkalde ay lumabas din sa wakas ang katotohanan at napatunayan na nagsisinungaling lamang ang nagsampa dito ng kaso.