MANILA, Philippines - Nagkaisa ang Pilipinas at South Korea na labanan ang terorismo sa pamamagitan ng matinding pag-aaral at pagsawata sa pagpupuslit ng mga nuclear materials sa Pilipinas matapos ang isinagawang joint seminar sa “nuclear safety and security” kamakailan.
Nagsilbing keynote speaker sa Nuclear Safety and Security Summit 2012 na ginanap sa Diamond Hotel si Vice Pres. Jejomar Binay na itinalaga ni Pangulong Aquino bilang Presidential envoy sa 2012 Nuclear Security Summit na nakatakdang gawin sa Seoul, South Korea sa Marso 26-27 at dadaluhan ng may 50 lider ng ibat ibang bansa.
Dumalo sa katatapos na seminar ang kinatawan ng DFA, PNP, DOTC, PNRI at media bilang preparasyon sa South Korean summit.
Inorganisa ito ng Departments of Foreign Affairs (DFA) at Science and Technology (DOST) sa pakikipag-kooperasyon ng South Korean Embassy sa Manila.
Layon ng summit na masupil na ang trafficking o pagpupuslit ng mga nuclear materials at mapigilan na mapasakamay ng mga terorista.
Ang pagpigil aniya sa gawaing ito ay kailangan tugunan ng buong mundo at nangangailangan ng kooperasyon pang-internsyunal. Inihalimbawa dito ang 9/11 attack sa US kung saan libu-libong katao ang nasawi at maging ang epekto ng Fukushina Daiichi Nuclear Power Plant sa Japan noong Marso 2011.