MANILA, Philippines - Nanawagan ang grupo ng mga empleyado ng Light Rail Transit Administration (LRTA) kay Transportation and Communications Secretary Mar Roxas na alisin ang lahat ng mga consultants at ang grupo ng nag-resign na administrator na si Raffy Rodriguez.
Ayon sa mga empleyadong tumangging magpabanggit ng pangalan, ang umano’y illegal na pagtatalaga ni Rodriguez ng 37 consultants sa LRTA ang isa sa mga dahilan kung bakit dumami ang problema sa sistema ng tren.
Sa 37 consultants, isa lamang umano ang totoong may nalalaman sa train management subalit ang 36 ay mistulang political accommodation lamang kapalit ng pagpapasahod ng P15,000 hanggang P25,0000 kada buwan.
Umapela rin ang grupo ng mga empleyado kay Roxas na imbestigahan ang mga maling priority ni Rodriguez, kabilang na ang pagbili ng P80 milyong halaga ng CCTV na wala naman sa plano ngayong taon.
Dahil sa mga biniling CCTV, hindi umano maisasagawa ang annual repair and maintenance na karaniwang isinasakatuparan tuwing Holy Week bunga ng kawalan ng mga spareparts na kailangan sa pagsasaayos ng mga tren.
Sa internal memorandum na inisyu ni LRT Line 1 project coordinator Dennis Acorda kina LRTA Officer-in-Charge Emerson Benitez at Engineering and Maintenance Department OIC Lorelie Reyes, sinabi nitong hindi matutuloy ang pag-repair ng mga tren ngayon Semana Santa dahil sa kawalan ng mga spare parts.
Epektibo sa Marso 31, 2012, si Rodriguez ay nagbitiw sa puwesto matapos maglabasan ang mga kontrobersiya sa LRTA.
Sa Holy Week ng 2013 na itinakda ang repair and maintenance sa halip na ngayong paparating na Mahal na Araw.