'Not guilty' - CGMA
MANILA, Philippines - Naghain ng “not guilty plea” si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kasong electoral sabotage sa ginawang pagbasa ng sakdal dito kahapon sa Pasay City Regional Trial Court Branch 112.
Tumagal lamang ng mahigit 10 minuto sa loob ng sala ni Judge Jesus Mupas ng Branch 112 si Arroyo, na nakasuot ng off-white long sleeve coat at may suot ring neck brace matapos hindi na nito ipabasa ang mga kaso laban sa kanya at agad na maghain ng not guilty plea.
Agad itong bumalik sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City kung saan siya naka-hospital arrest dakong alas-9:30 ng umaga.
Sa pahayag ni Rep. Arroyo na ipinamahagi sa mga mamamahayag, nagdesisyon siya na harapin ang korte upang ipakita ang respeto niya sa sistema ng hudikatura sa bansa.
Iginiit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Arroyo, na isang hakbang lamang ang natu rang arraignment sa nakikita nilang “acquittal” o pagpapawalang-sala sa dating pangulo sa lahat ng paratang sa kanya.
Itinakda ni Judge Mupas ang pre-trial at preliminary conference sa kaso ni Arroyo sa Abril 19.
Tinalakay din ng korte ang mosyon na payagan si Arroyo na makadalo sa burol ng namayapang bayaw na si Cong. Ignacio “Iggy” Arroyo mula Pebrero 24 hanggang 26, pati na ang pagsasailalim na lamang sa house arrest sa akusado.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang desisyon ni GMA na isumite ang kanyang sarili sa judicial process.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, masisimulan na ng korte ang trial kaugnay sa electoral sabotage case na isinampa dito ng DOJ-Comelec panel.
“The trial can now proceed on the merits and let justice be done,” wika ni Lacierda.
- Latest
- Trending