MANILA, Philippines - Binawi kahapon ng prosekusyon ang tatlo sa mga akusasyon nila laban kay impeached Chief Justice Renato Corona na nasa ilalim ng Article 3 ng Articles of Impeachment.
Ayon kay prosecutor Giorgidi Aggabao, hindi na nila isasama sa Article 3 ang kanilang mga alegasyon na nakapaloob sa paragraphs 3.4, 3.5 at 3.6 ng Article 3.
Pero nilinaw ni Aggabao na mananatili sa Article 3 ang akusasyon nila sa diumano’y “flip-fopping” o pabago-bago ng desisyon ng Supreme Court tungkol sa kaso ng Flight Attendants’ and Stewards’ Association of the Philippines (FASAP).
Nakasaad sa paragraph 3.4 ang diumano’y pagkakalagay ng posisyon ni Corona sa alanganin ng tanggapin ng asawa nitong si Cristina ang pagkakatalaga sa kaniya ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa board ng John Hay Management Corporation (JHMC) na pag-aari ng isang korporasyong kontrolado ng gobyerno.
Nakasaad naman sa 3.5 ang diumano’y kabiguan ni Corona na mapanatili ang mataas na standard ng hudikatura kaugnay sa naging pinal na desisyon sa Vizconde massacre case.
Bukod sa dalawang nabanggit, hindi na rin isasama ng prosekusyon ang paragraph 3.6 kung saan nakasaad na, ”respondent Corona with undue haste, impropriety and irregularity, dismissed the inter-petal recreational corporation case under suspicious circumstances”.
Matatandaan na matinding sinabon kamakalawa ni Senate President Juan Ponce Enrile ang prosekusyon at hindi pinayagan ang pagpiprisinta ng testigo at ebidensiya sa Article 3 dahil sa kawalan umano ng kaugnayan sa kanilang mga akusasyon.