Hirit na alisin ang VAT sa langis ibinasura ng Palasyo
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Malacañang ang panibagong hirit ng transport group na alisin na lamang ang value added tax (VAT) sa produktong petrolyo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi maaaring pagbigyan ng gobyerno ang kahilingan ng PISTON na alisin na lamang ang VAT sa langis.
Aniya, naipaliwanag na mismo ni Pangulong Aquino ang magiging masamang epekto sa ekonomiya kapag inalis ang VAT sa langis. Bukod sa bilyong pisong mawawala sa kita ng gobyerno, maaapektuhan din umano ang credit ratings ng bansa.
Magugunita na inaprubahan na ng Pangulo ang P1,200 reload sa mga benificiaries ng Pantawid Pasada Program para sa may 100,000 tsuper sa bansa bilang ayuda sa muling pagtaas ng presyo ng langis kamakalawa ng gabi.
Sinabi naman ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) president George San Mateo, pansamantala lamang ang tulong na maibibigay ng libreng pampagasolina sa load ng Pantawid Pasada cards dahil kakainin rin ito ng tuluy-tuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Ani San Mateo, ang pagbuo ng paraan para mapigilan ang lingguhang oil price hike ng mga kumpanya ng langis ang totoong solusyon sa problema at hindi ang sinasabing “limos” na ibinibigay ng pamahalaan sa mga tsuper. (Rudy Andal/Danilo Garcia)
- Latest
- Trending