MANILA, Philippines - Umapela kahapon sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) ang isang kongresista na ihinto na ang pagta-typecasting sa mga pelikula at telebisyon na kontrabida at masama ang mga kongresista.
Sa House Resolution 2140 na inihain ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., hiniling nito sa MTRCB na bawasan, pigilan at ihinto ang pagganap ng mga artista kung saan ginagampanan ng mga ito ang isang kongresista o pulitiko na masama upang hindi tumatak sa utak ng publiko ang negatibong pagtingin laban sa kanilang mga mambabatas.
Giit ni Gonzales, ang ganitong mga pagganap ay hindi patas dahil mistulang nadudungisan ang pangalan ng mga mambabatas na nagtatrabaho naman para sa kapakanan ng kanilang mga constituents.
Bukod dito, nagdudulot din umano ito ng negatibong impresyon tungkol sa miyembro ng Kamara na nagta-trabaho naman para makapag-bigay serbisyo subalit naapektuhan naman dahil sa mga maling pagganap sa telebisyon at pelikula.
Inamin naman ng mambabatas na mayroon din umanong nasangkot sa krimen subalit iilan lamang ang mga ito.