MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na hindi nananawagan ng ‘people power’ si Pangulong Aquino laban kay Chief Justice Renato Corona bagkus ay nais lamang nitong maging aktibo ang taumbayan sa nangyayaring impeachment trial.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi people power ang panawagan ng Pangulo kundi nais nitong mag-analisa din ang taumbayan sa ginaganap na impeachment trial at hindi lamang basta nanonood.
Magugunita na sinabi ni PNoy kamakalawa sa Pulong Bayan sa La Consolacion College-Manila na malinaw pa sa sikat ng araw na nagsinungaling si Corona sa maling pagdedeklara sa kanyang SALN.
Sinabi din ng Pangulo na huwag ng paikutan ni Corona ang taumbayan dahil alam ng lahat na kaya siya inilagay ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Korte Suprema ay upang pagtakpan ang mga magiging kaso nito sa sandaling bumaba siya sa poder noong 2010.