Kasalang bayan sa Caloocan target mapasama sa Guinness
MANILA, Philippines - Tatangkain ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City na mapasama sa prestisyosong listahan ng “Guinness Book of World Records” sa kategorya ng pinakamaraming pares ng ikinasal sa isang okasyon sa ginanap na Kasalang Bayan 2012 noong Linggo (February 12).
Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, Umabot sa 1,510 pares ang ikinasal sa Kasalang Bayan 2012 na ginanap sa Glorietta Park, Tala bilang isa sa mga programa ng alkalde sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod na gugunitain sa Pebrero 16.
Lumalabas din sa mga naitalang pares na ikinasal na ang pinakabatang sumali sa Kasalang Bayan 2012 ay sina Boots Evasco, 19 at Leshei Valenzuela, 18 habang ang pinakamatanda naman ay sina Godofredo Delos Santos, 77 at Marcelina Lumbang, 74 na nagdiriwang din ng kanilang golden year wedding anniversary.
Sinabi pa ni Echiverri, isang malaking karangalan hindi lamang ng Caloocan City kundi maging ng buong bansa sakaling mapasama ang kanyang pinamamahalaang lungsod sa prestisyosong listahan ng “Guinness Book of World Records”.
Napag-alaman pa sa Civil Registry Department (CRD) ng Caloocan City Hall, sasagutin din ng lokal na pamahalaan ang mga gagastusin ng mga lumahok sa Kasalang Bayan 2012 kabilang na dito ang pagpaparehistro ng kanilang mga kasal at iba pa.
Nagsilbing ninong at ninang ng mga ikinasal ang mga lokal na opisyal ng lungsod habang si Echiverri ang nagbigkis sa ugnayan ng mga pareha upang ganap na maging legal ang pagsasama ng mga ito.
Base pa sa rekord ng CRD, simula nang manungkulan si Echiverri bilang punong lungsod noong 2004 ay sinimulan na nito ang pagbibigay ng libreng kasal sa mga mag-asawang hindi pa legal ang pagsasama.
- Latest
- Trending