Dokumento ng prosecution sa Corona account, peke - witness

MANILA, Philippines - Pinapagpaliwanag ni Senate President Juan Ponce Enrile ang house prosecution panel matapos na mabatid na peke ang sinasabi nilang bank documents mula naman sa Philippine Savings Bank (PSB) Katipunan Branch, Quezon City.

Sa pagtatanong ni Enrile kay Branch Bank Manager Annabel Tiongson, sinabi nito na wala silang dokumento na kahalintulad ng hawak ng prosekusyon na naging batayan para ipa-subpoena ito.

Inihayag din kahapon ng  Senate Sergeant at Arms (OSAA) na wala silang nakitang babae na sinasabing nag-abot ng dokumento kay  House Prosecutor Member  Rep. Reynaldo Umali batay sa kanilang Close Circuit Television (CCTV).

Binigyan ng 24-oras ni Enrile si House Lead Prosecutor na ipaliwanag  kung saan  talaga nanggaling ang dokumento dahil sa kasalukuyan  ay maituturing na ilegal ang pagkakakuha ng mga dokumento.

Iginiit ni Tiongson, na hindi galing sa kanila ang dokumento at sa kanyang pagkakaalam, wa­lang  ganitong klaseng  dokumento na nasa kanila.

Nangangamba kasi ang impeachment court na baka maakusahan sila ng paglabag sa batas kung mapatunayang  ilegal ang pagkakakuha ng mga dokumento.

Ayon kay Tiongson sa pagtatanong ni Jinggoy, malayung-malayo sa orihinal na mga dokumento sa kanilang bangko ang photo copy na pinagsusumite ng prosecution sa Senado.

Inatasan ni Senate President Juan Ponce Enrile si Tiongson na isumite ang orihinal na dokumento o katulad na dokumento sa kanilang pag-iingat kung talagang mayroong bank account si Corona sa kanilang bangko.  

Show comments